Kalinga ni Ina
Ni Arnold San Diego Miranda
December 3, 2009
Di alintana ang pagsipat ng maningning na sikat nang araw
Pagsalat na animo’y nasa alapaap na bughaw ng dahong anahaw
Bigkis ang pagdampi sa daan ng matuwid na kung saan ay di maliligaw
Maging pagbagsak ng gabing madilim na walang matutuntunan
Nagisnang nagkikislapang tala sa kalangitan
Sinungkit na pilit upang damhin ang tinig
Kung saan nakakabit sa paligid
Upang manatili sa bigkis ng ningning
Nang masilayan ang liwanag ng buong paligid
Tinunton ang lawak sa daan na may haplos diwa
Diwa ng tulay na katapatan
Maging pagkurot sa karanasan na matutunan ang dampi ng katotohanan sa buhay
Sa pagsalat at pagsibol ng kinagisnan
Nagkalarawan ang yabag ng pinarisan
Kapalaran na hindi natakasan
Nang isaboy mga kislap sa mundo nang tinahakan
Nang di masilayan ang kislap at ningning ng mga tala
Isang haplos ang naramdaman
Mula sa mga hapdi ng tinadhana
Liwanag na sinasandalan sa tuwing nangungulila
Pangungulila sa isang gabay na di matagpuan
Hanggang ang mga kirot sa buong kalamnan
At di masilayan ang sinag ng araw
Na tumambad ng nasa buhay silangan
Naramdaman ang bawat haplos ng kalungkutan
Hanggang sa dumating ang araw ng pamamaalam
Dinig ang piit ng panawagan ngunit dama ang kaginhawaan
Bigkis na pilit na dumudugtong sa isang buhay
Na may bumabagsak na luha mula sa isang dantayan ng pag asa
Ngunit nang sumundo ang kapalaran
Matamis na dampi ng pagmamahal ang sumama sa kabilang buhay
Baon ang ningning nang isang ala-ala ng mapagkalingang tala
Isang ilaw na naghatid sa hantungan ng tunay na kaligayahan
Na hatid ang buong pusong pasasalamat
Sa isang bulaklak at talang ning-ning ng buhay
Nang may buhay pa sa mundong ibabaw
Sa isang “Ilaw ng Tahanan”